Away ni Distrito sa mga Loyzaga nanariwa (Sabong News)
Author
POINT GUARD
Date
MAY 25 2017
Sumariwa sa isip ng mga beteranong tagasunod ng PBA ang away noon ni Rudy Distrito sa mag-aamang sina Caloy, Chito at Joey Loyzaga dahil sa mainit na eksena nina Calvin Abueva at Kevin Alas noong Miyerkules ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nag-lock ang mga kamay nina Abueva at Alas, tila nagpambuno, nagdaganan ng katawan habang nasa lapag ng court at walang bumitaw hanggang may pumagitna sa kanilang dalawa.
Nanatili naman sa sideline si Alaska assistant coach Louie Alas at nagmatyag lang sa sabong ng kanilang player sa kanilang koponan kontra sa kanyang anak.
“Normal lang yon,” ani Louie, na isa ring pa-labang player noong kanyang kapanahunan sa UAAP at sa PABL.
Sa pagitan ni Distrito at ng mga Loyzaga, natuloy sa umaatikabong away ang insidenteng nagsimula sa kiskisan ni Distrito at Joey Loyzaga.
Si Joey noon ay naglalaro sa Magnolia samantalang kakampi ni Distrito si Chito sa Anejo Rhum. Kung tama ang aking memorya, league official si Caloy Loyzaga.
Ang account ng ibang nakakatandang sportswriters, pati ang matandang Loyzaga ay nasaktan ni Distrito kaya’t pinagtulungan na siya ni Joey at Chito.
Obviously, naayos ang gusot dahil di naglaon ay nagkasama-sama ang tatlong manlalaro sa Ginebra.
***
Anong nangyari sa Alaska Milk at biglang tumirik at nakalasap ng limang sunod na pagkatalo pagkatapos ng nag-aalab na 4-0 conference start? Ito ang katanungan ng halos lahat ng PBA fans.
Ang siste, sila pa ang delikadong maiwan sa labas ng Top Eight lalo na at pawang heavyweights – San Miguel Beer at Star -- ang kanilang huling dalawang laro.
Nabaon sila sa No. 7 at nakadikit sa kanila sa No. 8 at No. 9 ang Phoenix (4-6) at GlobalPort (3-6).
Lumusot man sa playoffs, mukhang tatapos sila ng No. 7 o No. 8 at haharap sa kalaban ng may tangang twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Ang saklap ng kanilang kapalaran.