Kontrobersiyal na PAGCOR logo pinaiimbestigahan sa Kamara (Latest Sabong News)
Author
Joy Cantos
Date
JULY 14 2023
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa Kamara ang umano’y kuwestiyonableng pagbili ng mga bagong logo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na nagkakahalaga ng P3 milyon.
Si Castro ay naghain ng resolusyon sa Kamara para siyasatin ‘in aid of legislation’ ang mga irregularidad sa proseso ng procurement ng bagong logo ng PAGCOR upang matiyak ang transparency at accountability sa aksiyon ng mga ahensya ng gobyerno.
Binigyang diin ni Castro na kailangan ang masusing imbestigasyon sa kasong ito dahil pera ng bayan ang ginagasta at nawawaldas sa katiwalian.
“The questionable procurement of PAGCOR’s new logo raises concerns about possible corruption and misuse of public funds. We must hold those responsible accountable. Lubog na nga ang Pillpinas sa utang at umabot na ng P14.1 trilyon tapos nagsasayang ng pera sa ganito,” ani Castro.
Binigyang diin ng lady solon na kung inilaan na lang sana sa pagtatayo o pagpapahusay sa mga National Child Development Centers na nasa P3 milyon lang ang budget sa ngayon ay mas maraming bata pa sana aniya ang nakinabang.
Samantala, kinuwestyon naman ni Sen. Grace Poe kung dumaan sa bidding ang bagong logo ng PAGCOR na umano’y katulad ng logo ng isang gasolinahan, e-sabong at iba pa.
Ayon kay Poe, bagamat dapat na ibigay ang “equal business opportunity” sa lahat dapat ay masiguro pa rin na ang kinontrata ng PAGCOR ay nakarehistro at aktibong taxpayer.
Ngayong panahon na kakaunti lang ang resources ng gobyerno, ang pinakamainam umano na gawin ng pamahalaan ay maging maingat sa paggastos sa pondo.
Sa tingin pa ni Poe, maaaring ilaan pa sa ibang proyekto na mas mahalaga ang P3 milyon at hindi lamang sa paggawa ng naturang logo kaya nais niya malaman kung dumaan ito sa tamang bidding. —