Pulis, tiklo sa illegal na sabong (Sabong News)
Author
BANAT NI BATUIGAS
Date
JUNE 23 2020
URONG-SULONG ang Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng klase. Marami kasing mga magulang ang tumututol sa ngayon na papasukin ang kanilang mga anak sa takot na mahawa ang mga ito. May ilan naman na gustong buksan na ang klase ngayong Hulyo subalit sa mga nakaka-afford lamang dahil gadgets ang gagamitin sa pag-aaral. Marami ang hindi makakasunod dahil wala na silang kakainin.
Ang mga drayber naman ng mga pampasaherong jeepney nagsusumigaw na payagan na silang pumasada dahil guom na ang kanilang pamilya. Sa kabutihang palad, mukhang mahihilot na ito at papayagan na ang 2,000 jeepney na pumasada subalit kailangan sumunod sa health protocol gaya ng physical distancing. Mukhang napipilitan na ang pamahalaan na luwagan ng kaunti ang paglabas ng mga tao upang kumita at matustusan ang mga pangangailangan.
Marami namang barangay ang isinasailalim sa hard lockdown dahil dumarami ang mga nahahawahan. Kaya inatasan ni PNP chief Gen. Archie Gamboa na paigtingin ang pagpapatrulya ng mga pulis. Pinaigting ni PNP Deputy for Operation Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang bet patrol upang sitahin ang mga pasaway sa kalye. Maraming matigas ang ulo kaya dumarami ang kaso ng infected.
May mga pulis naman na nasasangkot sa mga illegal na tupada. Nasampulan si SSgt. Francisco Cabusao na nahuli ni B/Gen. Ronald Lee ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG). Sinalakay nina Lee ang illegal na tupada sa Barangay Santolan, Pasig City at 17 sugarol ang naaresto kasama nga ang pulis na si Cabusao. Sa mismong compound ni Cabusao idinadaos ang tupada.
Samantala, sinalakay naman ng mga tauhan ni Police Regional director B/Gen. Rolando Anduyan ang mga illegal na sabong sa Bukidnon kung saan 17 ang hinuli. Walo naman ang nahuli sa Misamis Occidental, anim sa Misamis Oriental, dalawa sa Lanao del Norte at isa sa Cagayan de Oro. Ang buong akala ng mga sabungero ay wala nang panahon ang kapulisan para sila salakayin dahil abala ang mga ito sa pagpapatrulya at pagbabantay sa mga check point, hehehe!
Talagang matitigas talaga ang ulo ng ilan nating kababayan at hindi nila alintana ang pagkalat ng COVID 19 na umaabot na ngayon sa 30,000 ang kaso.