Sabong at pot session talamak sa Bgy. 261 sa Tondo! (Sabong News)
Author
SUPALPAL
Date
APRIL 29 2020
MATAPOS ang 48-hour lockdown sa Sampaloc, kumalat ang balita na isusunod ni Manila Mayor Francisco Domagoso ang buong Tondo dahil sa marami pang matitigas ang ulo at pasaway dun. Ang ipinagtataka ng mga kosa ko, bakit hindi masawata ng mga barangay chairman ang kalokohan ng mga residente sa sakop nila na patuloy na nagsusugal tulad ng sabong, at pot session na maliwanag pa sa sikat ng araw na paglabag ng enhanced community quarantine (ECQ) ni President Digong? Tinotolonges lang ng mga pasaway si Domagoso? Ano sa tingin n’yo mga kosa?
Kung sabagay, sa ulat ni Lt. Col. John Guiagui, hepe ng Station 4 na may sakop ng Sampaloc, aabot sa 168 katao ang naaresto nila sa paglabag ng ECQ noong lockdown. Kaya naman na lockdown ang Sampaloc mga kosa dahil No. 1 ito sa listahan ng Department of Health na may pinakamaraming bilang ng COVID-19 positive kaya kailangang maagapan kaagad ito para ‘di na lumala pa. At mukhang nagtagumpay naman si Domagoso sa lockdown niya kaya dapat lang isunod ang Tondo kung saan ang isang barangay doon ay na-lockdown dati na dahil sa may pa-boksing, sugal at bingo sa gitna ng kalye na paglabag din sa ECQ. Araguuyyy! Hak hak hak! Bulag, pipi at bingi kaya ang chairman o may basbas niya ang mga ilegal na aktibidades sa kanyang lugar? Magkano ba chairman? Tanong lang po!
Kaya naman umugong na i-lockdown din ang Tondo dahil tuloy pa ang sabong at pot session sa mga kalye, lalo na sa Bgy. 261, na ang pasimuno ay mismong kamag-anak ng barangay official ng lugar. Nakunan pa ng video ng mga kosa ko na nagbibitaw ng manok ang mga sabungero sa kalsada o eskinita at tuwing umaga at hapon ginaganap ang sabong. Walang takot ang mga sabungero sa COVID o maging sa mga tauhan ni Manila Police District (MPD) director Brig. Gen. Rolando Miranda dahil hayagan ang sabong nila. Sinabi pa ng mga kosa ko na dating n-raid na ng SMART ng City Hall itong tupada subalit bumalik din ito kaagad matapos maglagay si alyas Jojo Bulol. Araguuyyy! Ano ba ‘yan?
May kinalaman kaya si Sgt. Raffy Padua, ang tong kolektor ng SMART sa patuloy na operation ng tupadahan sa Bgy. 261? Hak hak hak! Bahala na si Gen. Miranda na arukin ang kasagutan sa naturang tanong? Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Hindi lang sabong ang talamak sa Bgy. 261 kundi maging ang pot session sa kubol ni alyas Botchok kung saan labas-masok ang mga drug addict n’yang parukyano na hindi man lang inaaksiyunan ni chairman. Totoo kaya na karamihan sa mga kilyente ni Botchok ay mga kabataan? Ano ba ‘yan! Ang masama pa n’yan karamihan sa mga sabungero at adik ay mga nakatanggap ng ayuda sa gobyerno, ayon pa sa mga kosa ko. Hak hak hak! Sayang lang ang ayuda na ipinamudmod ni Digong at hindi sa pagkain napunta kundi sa bisyo.
Kapag kumalat ang COVID sa Bgy. 261, wala ng ibang sisisihin pa kundi ang tamad at kunsintidor nilang chairman, di ba mga kosa? Abangan!