E-sabong ni Boss Cholo, malakas na sampal kay BBM! (Latest Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
JULY 09 2023
KUNG umani man ng pogi points si President Bongbong Marcos sa paghahabol n’ya sa tiwaling POGO sa Las Piñas City, bagsak naman ang marka n’ya sa patuloy na operation ng e-sabong. Mabilis na umaksiyon si BBM laban sa pagmamalabis ng POGO sa mga empleyado nito kaya lang sa e-sabong naman ay hindi n’ya maikumpas ang kamay na bakal n’ya. Magkano….este paano?
Kung sabagay, parehas lang na ayaw ni BBM ng POGO at maging ang e-sabong na nagpalabas pa s’ya ng EO 9 para supilin ito. Tsk tsk tsk! Parehas din na hawak ng PAGCOR itong POGO at e-sabong ah. Hehehe! Makupad lang sigurong umaksiyon itong si PAGCOR chairman Alejandro Tetangco sa problemang dulot ng POGO at e-sabong. May kumita? Ewan ko no!
Humahangos kasing nagreport ang kosa ko na nagbukas ang DSC Online Sabong sa probinsiya ng Bulacan. Ang itinuturong nasa likod ng e-sabong ay itong sina Boss Cholo at Joseph Lumbad. Na naman? Hindi talaga mapakali itong tropa ni Boss Cholo, no mga kosa? Gusto kaagad tumangay ng limpak-limpak na salapi. Parang malakas na sampal itong pagbukas ng e-sabong nina Boss Cholo sa EO9 ni BBM, no mga kosa? Hehehe!
Matapos maunsiyami ang pagbukas ng Sabong Legend Cup ng tropa ni Boss Cholo sa San Rafael, Bulacan ay binago lang ang pangalan at larga na naman. Tumpak!
Saludo naman ako sa tropa ni Boss Cholo. Para hindi mahalata ang DSC Online Sabong, ginagawa nila ito pagkatapos ng kinaugaliang traditional sabong. ‘Ika nga sa gabi na ang operation ng e-sabong ni Boss Cholo para hindi mahalata. Kaya lang, paano mo maitatago ‘yang negosyo na ‘yan eh maraming adik na sabungero ang makaaalam. May magkukuwento talaga, di ba mga kosa? Mismooooo!
Para sa kaalaman ni Col. Relly Arnedo, Bulacan provincial director, ang e-sabong ni Boss Cholo ay matatagpuan sa Sta. Maria Square Coliseum; sa Clint ERYX Cockpit Arena sa McArthur Highway sa Balagtas; Old Malolos Cockpit Arena sa Malolos; Meycauayan Cockpit Arena sa Bgy. Pandayan sa Meycauayan; New Marilao Coliseum sa Bgy. Abangan Norte, Marilao, at sa Norzagaray Cockpit arena. O hayan! Hindi magkakamali si Arnedo na puksain ang e-sabong ni Boss Cholo dahil araw-araw tong ginagawa tuwing hapon. Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Kapag tumaas ang krimen sa Bulacan, wala nang ibang dapat sisihin itong si Arnedo kundi ang sarili niya, di ba mga kosa? Noong kasagsagan ng e-sabong ni Boss Atong Ang, abayyyyy maraming adik sa sabong ang nag-suicide dahil nabaon sila sa utang. Hindi nalalayo na mangyayari din ‘yan sa panahon ni Boss Cholo, di ba mga kosa?
At sa katunayan, hindi pa nga tuluyang nalulutas ang kaso ng 34 missing sabungeros na naging dahilan para ipahinto ito ni BBM. Bakit ayaw tumigil ang tropa ni Boss Cholo na paikutan ang EO9 ni BBM? Napapahiya tuloy ang pobre. Mismooooo!
Kung sabagay, hindi lang si Arnedo ang problemado sa pagbukas ng e-sabong ni Boss Cholo sa Bulacan kundi maging si Gov. Daniel Fernando. May basbas kaya ni Fernando ang e-sabong sa Bulacan? Magkano….este paano? Tsk tsk tsk! Si BBM ang nasisisi sa e-sabong eh ang tropa naman ni Boss Cholo ang tumatabo. Ambot sa kanding nga may bangs! Abangan!