Mga taga-showbiz, willing maghintay ng safe na bakuna... (Latest Sabong News)
Author
Ed de Leon
Date
JANUARY 14 2021
Hindi nagbibiro o nagpapatawa si Vice Ganda nang sabihin niyang “sa sabong panlaba nga namimili pa tayo eh, sa bakuna pa.” Iyon ang kanyang naging reaksiyon sa sinabi ni Secretary Harry Roque na ang mga Pilipino ay hindi na dapat pang mamili kung anong bakuna ang ituturok sa kanila laban sa COVID-19. Nasabi naman niya iyon dahil sa kumakalat na issue na ayaw ng marami na magpasaksak ng bakuna na Sinovac, dahil bukod sa sinasabing mababa ang effectivity ng bakuna, iyon naman ay emergency use lamang at hindi ka maaaring magreklamo kung may masamang maging epekto sa iyo.
Bukod kay Vice, marami ring mga artistang nagsabing maghihintay na lang sila ng tamang bakuna, kahit na sabihin pang magiging kaluwagan sa kanila kung mababakunahan sila agad dahil hindi na nila kakailanganin ang swab test maya’t maya. “Halos isang taon na nga tayong nakulong sa lockdown, tapos ang isasaksak lang pala sa atin ay bakunang hindi tayo sigurado, eh ‘di huwag na lang,” sabi naman ng isang director ng pelikula.
Sa pangkalahatan, marami sa showbiz ang may ganyan ding desisyon, ang maghintay ng tamang bakuna, after all maraming mga pribadong kumpanya na naghihintay na lang ngayon ng kanilang importation permit, at marami nang local governments na umaangkat ng bakuna sa mga mas kilalang kumpanya. “After all ang mga taga-showbiz naman ay wala sa kanilang priority list, kaya mas ok pa maghintay na lang tayo,” sabi pa ni direk.
Maraming artista na rin ang tinamaan ng COVID, pero suwerte naman at lahat sila ay gumaling maliban kay Meggie Cobarrubias, na nalaman lang na positive sa COVID noong mamatay na siya dahil sa bagal ng testing noong mga panahong iyon.
Kaya nga maski na ang mga senador na nag-imbestiga sa bakuna noong isang araw ay hindi maintindihan kung bakit binabawalan pa ni Secretary Duque ang pribadong sector na umangkat ng sarili nilang bakuna. Naging matindi rin ang reaksiyon ni Senador Manny Pacquiao na nagsabing “unahin natin ang kapakanan ng mga Pilipino hindi iyong ang iniisip yata ay iyon pang komisyon.”
Aba, kami dito sa Quezon City kumuha si Mayor Joy Belmonte ng bakuna mula sa British company na AstraZeneca, kaya mas sigurado kami.
Mukha ngang this time, matutuloy nang pakasal ang aktres na si Ara Mina, na dapat lang naman dahil kung iisipin mo 41 na siya. Nag-propose na at ngayon nga ay officially engaged na sina Ara at ang kanyang boyfriend na si Usec. Dave Almarinez. Ipinakilala na raw ni Ara sa kanyang pamilya si Dave, at ganoon din naman iyon sa kanyang pamilya na lahat naman daw ay ok kay Ara.
Kung sabagay, hindi na nga siguro kailangang magmadali pa si Ara dahil may anak na naman siya na anim na taon na si Mandy, na naging anak naman niya sa dating boyfriend na si Mayor Patrick Meneses.
May mga tsismosong nakapansin, mukha raw mas nagiging makinis at pogi ngayon ang isang dating male bold star. Noon kasing nagsisimula pa lamang siya, medyo dugyutin din ang dating, lalo na noong sumasali pa lang siya sa mga bikini contest at noong gumagawa pa ng porno sa video.
Ngayon naman kasi, medyo umasenso na siya dahil nakakasama na nga siya sa mainstream actors kahit na nga sabihing hindi naman siya bida.
Pero ang tsismis, nagsimula raw kuminis ang dating male bold star, at tipong pumogi rin nang ma-link siya sa isang malaking actor na pinaghihinalaan din ang gender. Mukha ngang simula noong maging magkaibigan sila unti-unting nabago ang kanyang pananamit, pag-aayos at nagpapa-derma na rin siya ngayon.